Tuesday, October 20, 2009

pangkat Itniko sa Luzon: Aeta


Aeta

Matatagpuan ang pangkat ng mga aeta sa halos lahat ng dako ng kapuluan. May iba't iba silang pangalan sa iba't ibang lugar. Higit silang marami sa Luzon. Aeta o Ayta ang tawag sa kanila sa hilagang Luzon. Ibuked naman ang tawag sa mga aetang nakatira nang malayo sa mga kapatagan. Sa Kofun, Diango, Paranan at Assao sa Cagayan, Ugsig at Aita ang tawag sa kanila. Sa Palawan, Batak ang tawag sa kanila. Sa Silangang Quezon, Rizal at Bulacan, Dumagat ang tawag sa mga Aeta.

Nawala na ang orihinal na wika ng mga Aeta dahil inangkin na nila ang wika ng mga tagakapatagan na kanilang nakakasalamuha. Hindi pa rin naalis sa kanila ang kultura ng pangangaso at paghanap ng mga pagkain mula sa mga halaman sa kapaligiran. Bihasa rin ang mga babae at batang Aeta sa tradisyunal na paraan ng pangingisda gamit ang sima, bitag, lambat at sibat.

Pulut-pukyutan ang espesyal na pagkain para sa mga Pinatubo Aeta at Ibuked Ayta. Kumakain din ang mga Pinatubo Aeta ng umok o maliliit na pukyutan at ng latak na nakukuha sa bahay ng pukyutan.

Pamilya ang pangunahing yunit ng lipunang Aeta. Gayunpaman, tinutulungan din ng pamilya ang kapamilyang namatayan ng asawa. May pantay na karapatan ang kanilang mga anak at mahigpit ang pagkakaugnay ng magulang at anak. Isa lamang ang asawa ng bawat Aeta. Bawal sa kanila ang pag-aasawa sa malapit na kamag-anak. Ngunit pinapayagan ang ilan na magpakasal sa pinsang buo matapos ganapin ang ritwal na “paghihiwalay ng dugo.”

Nakabatay sa paggalang sa matanda ang sistemang pulitika ng mga Aeta. Ang mga iginagalang na pangkat ng matatanda ang nagpapanatili ng katahimikan at kapayapaan sa pamayanan. Ang kinikilalang batas ay yaong nabuo mula sa tradisyon.

Naniniwala ang mga Aeta na may mga ispiritu ang lahat ng mga nasa kapaligiran tulad ng ilog, dagat, bundok at iba pa. Ito ang dahilan kung bakit kanilang iginagalang ang kalikasan. Hindi sila pumuputol ng puno kung hindi rin lamang kailangang-kailangan. Naniniwala silang iniinsulto ang ispiritu ng kalikasan kapag inaaksaya ito.


No comments:

Post a Comment