Ang HUMANISMO bilang isang teorya sa panitikan ay nagbibigay ng malaking pagpapahalaga sa tao sa paniniwalang ang tao ay sentro ng daigdig, ang sukatan at panginoon ng kanyang kapalaran.
Magkakaiba man sa kahulugan at adhikain ang iba’t ibang uri ng Humanismo, nagkakatulad ang mga ito sa mga sumusunod:
- lahat ay nag-uudyok sa tao na isipin ang kanyang kaganapan, sa ano mang uri nito;
- lahat ay nagpapahalaga sa agham at talino sa pagtuklas ng natatagong kaalaman:
- lahat ay nagpapahalaga sa kasalukuyan at ngayon;
- lahat ay naglalayong tugunan ang pangunahing pangangailangan at suliranin ng tao;
- lahat ay sang-ayon sa pagtuklas ng makabagong kaalaman na makabubuti sa lahat; at
- lahat ay nag-uudyok sa pagpapahalaga sa buhay, ng pagiging bukas at paggamit ng sariling isip dahil iyon ang pinakamataas na kahulugan ng pagiging tao.
Paalam sa Pagkabata
Ni Zantiago D. Pepito
Salin ni Nazario D. Blas
Wala akong nakitang pagbabago. Tulad nang nagdaang mga madaling-araw: ang ginaw, katahimikan, dilim –iyon din ang bumubuo ng daigdig ng aking kamalayan. Maraming bagay ang dapat mailarawan. Ngunit alam kong iisa lamang ang kahulugan ng mga iyon. Alam ko.
Sa kabilang silid, sa kwarto nina Nanay at Tatay, narinig ko ang pigil na paghikbi. Umiiyak na naman si Nanay. Ang sunud-sunod na paghikbi ay tila pandagdag sa kalungkutan ng daigdig. Napabuntong-hininga ako. Umiiling-iling. Hanggang ngayon hindi ko pa nakikita ang tunay na dahilan ng damdaming iyon na matagal nang umaalipin sa kanya.
Walang malinaw sa aking isipan. Mula sa aking pagkamulat ang pagkainip ay kakambal ng aking buhay. Sa aking pag-iisa di ko maiwasan ang pangarap na magkaroon ng batang kapatid na nag-aangkin ng mabangong hininga at taglay ang ngiti ng isang anghel. Ngunit ang damdamin ko’y tila tigang na lupaing pinagkaitan ng ulan.
Maliwanag na ang silangan nang ako’y bumangon. May bago na naming umaga, ngunit ang tanawin sa bahay ay walang pagbabago. Tulad ng dati, nakikita ko si Nanay na nakaupo at nag-iisip sa may hagdanan. Nakatitig siya sa sampayan ng lambat ni Tatay. At madalas madalas ang kanyang pagbubuntong-hininga.
Matagal ko nang nakikita ang sampay na lambat. Ngunit hindi ko nakikitang ito’y ginagamit ni Tatay. Noon ay walang halaga ito sa akin. Nagsimula ang pagpansin ko sa lambat noong ito’y itinapon ni Nanay mg adalawang taon na ang nakakaraan. Galit nag alit si Tatay sa ginawa ni Nanay. Pinagbuhatan ni Tatay ng kamay si Nanay. Pagkatapos pinabalik kay Nana yang lambat sa sampayan.
“Hanggang ngayon ba’y hindi ka pa nakalilimot, Tomas? Alam ng Diyos na wala akong kasalanan. Ang kanyang ginagawa ang siya mong ginagawa tuwing ikaw ay darating sa madaling-araw. Ang kanyang amoy ay siya mo ring amoy na galling dagat. Magkatulad ang inyong ikinikilos. Sino ang hindi mag-aakala na siya ay hindi ikaw? Huli na nang malaman ko ang katotohanan. Huli na nang siya ay aking makilala. Totoong lumigaw siya sa akin. At mula noon ay alam mo iyon. Ikaw ang aking iniibig, Tomas. Kalian mo pa malilimutan ang nangyari?”
Tuluyang umiyak si Nanay. Umungol lamang si Tatay. Nanlilisik ang mga matang tumingin sa lambat at pagkatapos ay bumaling sa akin. May ibig sabihin ang tingin niyang nag-aapoy. Maliban s atakot na aking nararamdaman ay wala akong naintindihan sa pangyayaring iyon.
Mula noon ay hindi na ginalaw ni Nana yang lambat. Naluma na ito ngunit buong-buo pa rin sa aking paningin. Buong-buo pa rin sa paningin ni Nanay. Ano kaya ang misteryong nagpapaloob sa lambat na iyon? Alam kong alam ni Nana yang hindi ko nalalaman. At kailangang malaman ko ito. May mga karapatan akong makaalam.
Nilapitan ko si Nanay na malalim pa rin ang iniisip. Hinalikan ko ang kanyang kamay. May ibig akong itanong tungkol sa misteryo ng lambat. Ngunit nauntol ang ibig kong sabihin nang magpatuloy ang kanyang pagluha.
“Lakad na Celso, malapit nang dumating ang Tatay mo.”
Sa labasan, sumasalubong sa akin ang baging araw. Tumingin ako. Maliwanag ang langit? Langit. May gumugulo sa aking kalooban. Kalawakan. Iyan ang sabi ng aking guro sa ikaapat na baiting ng primarya. Iyan ay hindi langit kundi hangganan lamang ng pananaw ng tao. Ang langit ay nasa tao. Hindi nakikita. Hindi nahihipo. Hindi naaabot. Naabot na kaya ni Nanay ang langit?
“Ano pa ang hinihintay mo, Celso?”
Ipinahid ko sa mukha ang suot kong sando. Humakbang pagkatapos. Maya-maya’y tumakbo na ako nang matulin.
Nasa dalampasigan ang mamimiling isda dala ng mga bangkang galling sa laot. Masasaya silang nagkukwentuhan habang hinihintay ang mga mangingisda. Sumasalampak ako sa buhangin, malapit sa kinauupuan ng dalawang lalaking may katandaan na. sa laot ako nakatingin at pinagmamasdan ang galaw ng mga aloon na pandagdag sa kagandahan ng kalikasan.
Napalingon ako nang makarinig ng tugtog ng gitara mula sa di kalayuang bahay-pawid. At sabay kong narinig ang malungkot na awiting nagsasaad ng kasawian sa pag-ibig. At muli na naming naantig ang aking damdamin. Habang pinakikinggan ko ang malungkot na kundimang umalingawngaw, naulinigan ko ang mahinang pag-uusap ng dalawang lalaki sa tabi ko.
“Nariyan na naman siya.”
“Talagang pambihira ang kanyang pagmamahal. Naniniwala akong nagpapatuloy ang kayang pangarap habang di pa namamatay ang babae sa kayang buhay. Hindi nawawala ng kayang pag-asa. Kung kalian matutupad ang kanyang pangarap Diyos lamang ang nakakaalam.”
Dinig na dinig ko ang mga katagang habang nagpapatuloy ang malungkot na kundimang nagging bahagi na ng aking buhay. Tumayo ako at ibinaling ang paningin sa bahay-pawid sa lilim ng kaiyugan. Patuloy ang awitin. Humakbang ako ngunit biglang napatigil sa harap ng dalawang lalaking may katandaan na. naalala ko ang sabi ni Tatay. Bawal pumunta sa bahay-pawid na iyon. Mahigpit ang utos ni Tatay. Nagbabanta ng parusa.
Lumingon ako sa laot. Nasa malayo ang mga bangka ng mga mangingisda. Bumaling ako sa pinanggagalingan ng awit na ngayo’y gumaganda sa aking pandinig. At para akong hinihila. Nakalimutan ko ang ipinagbabawal ni Tatay. Mabilis ang aking paglakad at sa ilang saglit kaharap ko na ang taong naggigitara at umaawit. May luha sa kanyang mga mata.
Tumitig siya sa akin. Inilapag ang gitara sa ibabaw ng papag na kinauupuan. Tumayo siya at dahan-dahang lumapit sa akin. Kinabahan ako. Umakma akong tatakbo ngunit nahawakan niya ang isa kong kamay. Nagpumiglas ako upang makawala sa kanyang pagyapos sa akin. Ngunit lalong humigpit ang kanyang pagyakap. Umiiyak ako.
Ngumiti syiya at pinahid ang aking mga luha. Hinimas ang aking ulo. Unti-unting lumuwag ang aking paghinga. Nararamdaman ko ang kanyang pagmamahal nang tumingin ako sa kanya. Muli niya akong niyapos.
“Dalawin mo akong palagi, ha?”
Hindi ako kumibo. Tinitigan ko siya. Ang kanyang mga mata, ang ilong, ang labi –lahat parang nakita ko na. Saan? Alam ko na, sa salamin. Talagang siya ang nakita ko sa salamin na nakasabit sa dingding n gaming bahay.
Napatingin ako sa dalampasigan nang marinig ko ang hiyawan. Nagdatingan nap ala ang mga bangka at nag-uunahan ang mga mamimili ng isda. Nagmadali akong tumakbo upang salubungin ang Tatay. Malayo pa ako ng Makita ko siyang nakatayo sa may dinaungan ng kanyang bangka. Natanawan nita ako. Masama ang titig niya sa akin. Galit. Kinabahan ako.
“Lapit rito, Celso!”
Malakas ang sigaw ni Tatay. Nanginginig akong lumapit. At bigla akong sinampal.
Di ko gusto ang batang matigas ang ulo! Di lang sampal ang matitikman mo kapag umulit ka pa. hala, kunin ko ang mga isda at sumunod ka kaagad sa akin.”
Habang naglalakad ay sinalat ko ang pisnging nakatikim ng sampal. Talagang mahirap intindihin si Tatay. Wala naming dahilan upang iwasan ko ang taong nasa bahay-pawid. Di naman dapat katakutan ang kanyang mukha at boses. Bakit kaya hinihigpitan ako ni Tatay?
Matapos akong mag-almusal, nandoon na naman si Tatay sa sampayan ng lambat. Nakatabako at nagtatagpi ng punit na bahagi ng lambat. Alam kong aabutin siya ng tanghali bago matapos ang kaniyang Gawain. Matapos makapananghali siya’y matutulog. Pagkagising maghahapunan. At di pa man ganap ang gabi balik na naman sa dagat. Iyan ang buhay ni Tatay. At iyan ang bahagi ng aking buhay.
Sa aking kinauupuan sa may bintana nakikita ko si Nanay na nakaupo sa may hagdanan. Tahimik at nakatingin na naman sa sampayan ng lambat. Luhaan na naman ang kanyang mga mata. At naalala ko ang pangyayaring noong itinapon ni Nana yang lambat. Lahat may itinatagong kahulugan. At naalala ko ang nangyari kanina sa dalampasigan. Naalala ko iyong tao.
Lumapit ako sa salamin sa dingding. Pinagmasdan ko ang aking sarili. Nakita ko sa aking isipan ang mukha ng tao. Unti-unting lumiwanag ang aking kamalayan. Biglang kumulo ang aking dugo habang iniisip ang nakasampay na lambat. Nagdilim ang aking paningin. Nadama kong hinahanap ko ng katarungan ang aking kalagayan.
Nagpunta ako sa kisinaan. Hinanap ko ang itak ni Nanay na pangsibak ng kahoy. Bitbit ko ito at pinuntahan ang sampayan ng lambat. Pinagtataga ko ang lambat.
“Huwag, Celso!” saway ni Nanay na nanginginig ang boses. “Huwag!”
Naiiba sa aking pandinig ang sigaw ni Nanay. Pati si Tatay ay natigilan at nabigla sa aking ginawa ay hindi ko pinansin. Hinalibas ko ng itak ang lambat at saka lang ako tumigil nang ito’y magkagutay-gutay na at nagkalat sa aking paanan.
“Celso!”
Nag-aapoy ang mga mata ni Tatay na humarap sa akin. At sa unang pagkakataon ay hindi ko inalis ang aking tingin sa kanya. Nilabanan ko siya ng titigan. Di ako nagagalit kundi humihingi lamang ng pang-unawa. Ngunit bigla akong napatimbuwang nang matamaan ng malakas na suntok at napahiga sa pira-pirasong wasak na lambat.
Nahihilo ako, parang ibig himatayin. Umiikot ang aking paningin. Parang may nakita akong anino –si Tatay na sumusurot kay Nanay.
“Ngunit, Tomas,” nagmamakaawa si Nanay. “Wala siyang kasalanan. Maawa ka sa kaniya.”
“Pumanhik ka, Isidra!” singhal ni Tatay. “Pumanhik ka na habang ako’y nakapagpipigil pa.”
Dahan-dahan akong bumangon at sumuray-suray na lumapit kay Tatay. Ngunit isang tadyak ang sumalubing sa akin. Napatihaya ako ngunit tinangka kong tumayo. Mabigat ang pakiramdam ko sa aking katawan at ako’y gumapang. Ngunit sinabunutan ako ni Tatay at iningudngod sa lupa ang aking mukha. Humihingal ako ngunit di ko makuhang umiyak. Nasasalat ko ang magkahalong dugo at pawis sa aking pisngi.
Di ko pansin ang mga gasgas sa dalawang siko. Sa labis na panghihina’y umusad ako ng umusad. Hanggang sa nangangatog kong mga bisig ay yumapos sa mg binti ni Tatay. Nakaramdam ako ng panlalamig ng katawan at ako ay napahandusay sa kanyang paanan.
Hindi ko na alam kung gaano katagal ang pagkawala ng aking malay. Naramdaman ko na lamang may mainit na mga bisig na yumayakap sa akin. Kinusot ko ang aking mga mata. Sumalubong sa aking paningin ang maamong mukha ni Tatay. Pagsisisi. Pag-unawa. Lahat ay kasalungat sa dati niyang gawa. Laong humigpit ang kanyang dibdib sa tapat ng kayang puso. Matagal.
Inilalarawan sa teoryang NATURALISMO ang isang simpleng tauhan na may di mapigil na damdamin. Ipinakikita ng teoryang ito ang mga kasuklam-suklam na detalye ng buhay. Ang buhay ng tao ay inihahambing sa isang kagubatan na mabangis, walang awa at maruming lugar.
“Ang tao ay ipinapalagay na isang ‘hayop’ na ang mga kilos o gawi ay naoobserbahan tulad sa isang laboratoryo.”
Naniniwala ang mga naturalist na ang indibidwal ay bunga ng kanyang pinagmulang kapaligiran at pinanggalingan. Binibigyang-diin sa teoryang ito ang mga namana at pisikal na katangiang natural sa tao kaysa sa katangiang moral. Tinatalakay rito ang tauhang may di mapigilang emosyon, kadalasan ay nasa lugar na marurumi at mapaniil tulad ng slum area.
Si Pingkaw
Maikling Kwentong Hiligaynon
Ni Isabelo
Naalimpongatan ako sa pagtulog nang hapong iyon sa sigawan at nanunuyang tawanan ng mga bata sa kalsada. Dali-dali akong bumangon, nagpahid ng pawis at dumungaw sa bintana. Si Pingkaw pala na sinusundan ng mga bata. Gula-gulanit ang kanyang damit na ilang ulit nang tinagpian at may medyas ang isang paa na ewan kung asul o berde. Malayo siya kaya’t di ko Makita nang mabuti. Sa kabilang binti, may nakataling pulang papel de Hapon na may kabit na lata sa dulo. Sa kanyang ulo, may nakapatong na palara na kumikinang tuwing tinatamaan ng sinag ng araw.
“Hoy, Pingkaw,” sigaw ng isang bata na nakasundong abot sa tuhod at may itinatawing-tawing sa daga. “Sige nga, kumanta ka ng blak is blak.”
“Ay, hiya ako,” nag-aatubiling sagot ng babae, sabay subo sa daliri.
“Kung ayaw mo, aagawin namin ang anak mo,” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat, mahaba ang buhok at nakakorto lamang. At umambang aagawin ang karga ni Pingkaw.
Umatras ang babae at hinigpitan pa ang yapos sa kanyang karga.
“Sige agawin natin ang kanyang anak,” sabi nilang pahalakhak habang pasayaw-sayaw na pinalilibutan si Pingkaw.
Maya-maya’y nakita kong lumuhod si Pingkaw sa lupa at nag-iiyak na parang bata.
“Huwag niyo naming kunin ang anak ko. Isusumbong ko kayo sa meyor.” Patuloy pa rin ang panindyo ng mga bata kahit na lumakas ang hagulhol ni Pingkaw.
Nakadama ako ng pagkaawa kay Pingkaw at pagkainis sa mga bata. Kaya’t sumigaw ako para takutin sila. “Hoy mga bata, salbahe n’yo! Tigilan n’yo ang pagtukso sa kanya.”
Ewan kung sa lakas ng pagsigaw ko’y natakot ang mga batang isa-isang nag-aalisan. Pagkaalis nila, tumingala si Pingkaw sa akin at nagsabi:
“Meyor, kukunins nila ang aking anak.”
Hindi ko mapigilan ang aking pagngiti. May koronel, may sergeant, may senador siyang tawag sa akin. Ngayon meyor na naman. “O sige, hindi na nila kukunin yan. Huwag ka nang umiyak.”
Ngumiti siya sa akin. Inihele ang kayang karga. Nahulog ang basahang ibinalot sa lata ng biskwit. Dali-dali niya itong pinulot at muling ibinalot sa lata.
“Hele, hele tulog muna, wala ditto ang iyong ina…” ang kayang kanta habang ang lata’y ipinaghele at siya’y patiyad na nagsasayaw.
Natigilan ako.
At naalala ko ang Pingkaw na dati naming kapitbahay sa tambakan, nang hindi pa siya ganito.
Ang paghahalukay ng basura ang kanyang hanapbuhay (sa amin ang tambakan ng syudad) at ditto nagmumula ang kanyang makakain, magagamit o maipagbili. Madalas siyang umawit dati-rati. Hindi naman kagandahan ang kanyang tinig –basag at boses-lalaki. Subalit kung may ano itong gayuma na bumabalani sa pandinig. Ewan kung dahil sa tila malungkot na tinig ng kanyang paghehele o kung dahil sa pagtataka sa kanyang kasiyahan gayong isa lamang siyang naghahalukay ng basura.
Kadalasan, pabalik na siya niyang galling sa tambakan. Ang kariton niya’y puno ng kartong papel, bote, mga sirang sapatos, at sa loob ng bag na burin a nakasabit sa gilid ng kanyang kariton, makikita mo ang kanyang pananghalian. Ito’y mga tira-tirang sadinas, karne norte o kaya’y pork and beans, pandesal na kadalasa’y nakagatan na at kung minsan, kung sinuswerte, may buto ng fried chicken na may lamang nakadikit. Sa kanyang yayat na katawan masasabing tunay na mabigat ang kanyang tinutulak, ngunit magugulat ka, tila nagagaanan siya at nakakakanta pa ng kundimang Bisaya.
Pagdating niya sa harap ng kanilang barung-barong, agad niyang tatawagan ang kanyang anak: “Poray, Basing, Takoy, nandito na ako.” At ang mga ito, dali-daling nagtakbuhan pasalubong sa kanya habang hindi makaringgan sa pagtatanong kung may uwi ba raw siyang dyens na estretsibol; ano ang kanilang pananghalian, nakabili ba raw siya ng bitsukoy?
Dalawang taon kaming magkapitbahay ngunit hindi ko man lamang nalaman ang kanyang tunay na pangalan. Pingkaw ang tawag ng lahat sa kanya, b’yuda na s’ya. Namatay ang kanyang asawa sa sakit ng epilepsy habang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang bunsong anak. Samantala, si Pisyang Tahur ay sumusumpa sa kanyang paboritong santo na hindi raw kailanman nakasal si Pingkaw. Iba-iba raw ang ama ng kanyang tatlong anak. Ang kanyang panganay, si Poray, ay labis na mataas para sa kanyang gulang na labintatlong taon at masyadong payat. Tuwing makikita mo iting nakasuot ng estretsibol na dala ng ina mula sa tambakan, maaalala mo agad ang panakot-uwak sa maisan. Si Basing, ang sumunod, sungi ngunit mahilig pang pumangos tubo gayong umaagos lamang ang katas sa biyak ng kayang labi. Ang bunsong ewan kung tatlong taon pa lamang ay maputi at guwapung-gwapo. Ibang-iba sa kanyang mga kapatid kaya kung minsa’y naisip mong totoo nga ang sinasabi ni Pisyang Tahur.
Pagkatapos mananghalian, aalisin na ni Pingkaw ang mga laman ng kariton, ihihiwalay ang mga lata mga bote, mga kariton at iba pang nakalagay rito sa napulot sa tambakan katulong ang kayang mga anak. Kinasanayan na ni Pingkaw na umawit habang gumagawa. Kung minsan, sumasabay ang kayang mga anak at ang sungi ang siyang may pinakamataas na tinig,. Pagkatapos, itutulak na niya ang kariton patungo sa Tsino na tagabili.
Talagang mahal ni Pingkaw ang kanayang mga anak. Sa tambakan, karaniwang makikita mo na sinasaktan ng mga ina ang kanilang mga anak, ngunit hindi mo man lamang makikita si Pingkaw na inaambaan ang kanyang mga anak. “Ang mga bata,” nasabi niyang minsang bumili siya ng tuyo sa talipapa at nakitang pinapalo ng isang ina ang maliit na anak na nahuli nitong tumitingin sa malalaswang larawan, “hindi kailangang paluin, sapat nang turuan sila nang malumanay. Iba ang batang nakikinig sa magulang dahil sa paggalang at pagmamahal. Ang mga bata, kung saktan, susunod sa iyo subalit magrerebelde at magkimkim ng sama ng loob.”
Sa tunggalian ng pamumuhay sa tambakan na roo, ang isang tao’y handing tumapak sa ilong ng kapwa tao mabuhay lamang. Nakapagtataka si Pingkaw. Lubha siyang matulungin lalo na sa katulad niyang naghahalukay lamang ng basura. Madalas siyang tumutulong sa pagtutulak ng kariton ng iba lalo na ng mga bata at matatanda. Sinasabi rin na sa pagsisimba niya tuwing Linggo hindi kukulangin sa piseta anf kayang ipinamamahagi sa mga nagpapalimos.
Alam ng lahat sa tambakan ang pangyayaring ito. Minsan, nagkasakit ng el to rang sunging anak ni Pingkaw. Nagtungo ang babae sa suking Tsino. Nakiusap na pautangin siya. Magpapahiram naman daw ang Tsino ngunit sa isang kondisyon. Bukambibig na ang pagkagahaman sa babae ng Tsino na ito: pinagdugtung-dugtong ng mga tagatambakan kung ano ang kondisyong iyon sapagkat wala naman talagang nakasaksi sa pag-uusap ng dalawa. Nalaman na ng lahat ang mga naganap; ang pagkabasag ng kawali na inihambalos ni Pingkaw sa ulo ng Tsino.
Hindi rin nadala ni Pingkaw ang kanyang anak sa doctor. Pag-uwi niya, naglaga siya ng dahon ng bayabas at ipinainom sa anak. Iyon nalamang ang nakapagpabuti sa bata.
“Nagpapakita rin na may awa ang Diyos. Kung ninais Niyang mamatay ang aking anak, sana’y namatay na. ngunit dahil naisip pa Niyang mabuhay ito, nabuhay rin kahit hindi naipadoktor,” ang sabi ni Pingkaw nang magpunta siya sa talipapa bago pa man gumaling ang kanyang anak.
Minsang nag-uusap ang mga nagsisipagtipon sa talipapa tungkol sa bigas relip, at iba pang bagay na ipinamimigay ng ahensya na nangangalaga sa mga mahihirap. Sumabat si Pingkaw na nagkataong naroroon, “Bakit iaasa ko pa sa ahensya ang aking pamumuhay? Malusog at masigla pa naman ako sa pagtutulak ng aking kariton upang tulungan. Marami pa riyang iba na higit na nararapat tulungan. Ang hirap lang sa ating pamahalaan, kung sino ang dapta tulungan ay hindi tinutulungan. Ngunit ang ibang mabuti naman ang pamumuhay, sila pa ang nakatatanggap ng tulong. Kabaliwan…”
Iyan si Pingkaw. Kontento na siya sa kanyang naabot sa buhay.
Naganap ang sumunod na pangyayai kay Pingkaw nang ako’y nasa bahay ng aking kapatid na may sakit. Isinalaysay ito ng aking mga kapitbahay pagbalik ko, at matinding galit ang aking nadama.
Isang araw, matapos silang mag-agahan ng kayang mga anak, bigla na lamang namilipit ang mga bata sa sakit sa tiyan. Ewan kung dahil sa sardines o sa kung ano mang panis na kanilang nakain.
Natuliro si Pingkaw. Nagsisigaw. Tumakbo siya sa mga kapitbahay upang humingi ng tulong. Ngunit wala silang maitulong maliban sa pagsabihan siyang kailangan dalhin ang mga anak sa ospital.
Walang nagdaraang mga saasakyan sa kalyehon kaya sa kariton isinakay ni Pingkaw ang kanyang mga anak. Nagtungo siya sa bahay ng isang doktor na malapit lamang, ngunit wala ang doktor at naglalaro ng golp, ayon sa katulong.
Itinulak niyang muli ang kariton at nagpunta sa bahay ng isa pang doktor. Matagal siyang tumimbre nakita niyang may sumisilip-silip sa bintana.
Kaya nagugulkuhang itinulak na naman ni Pingkaw ang kanyang kariton papuntang bayan. May doktor doon ngunit wala naming gamut para sa nalason.
Halos hindi makakilos sa pagod si Pingkaw, bukod pa sa kanyang lubhang pagkalumbay sa pagiging maramot ng kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang pagtulak ng kariton.
Nang makarating siya sa punong kalsada, maraming sasakyan ang kanyang pinahinto upang isakay ang kanyang mga may sakit na anak ngunit wala ni isa sa mga ito ang tumigil. Maya-maya napansin niyang hindi na kumikilos ang kanyang panganay.
Pakiramdam niya’y isang daang taon na siya nang makarating sa pambansang ospital. Matapos ang pagtuturuan ng mga doktor at narses na ang tinitingnan lamang ay mga pasyenteng mayayaman na wala naming sakit, binigyan din ng gamut ang dalawang anak ni Pingkaw.
Nang gumabi’y namatay si Poray, ang pinakamatanda. Dalawang araw pa ang lumipas, sumunod namang namatay ang bunso.
Nakarinig na naman ako ng kaguluhan. Muli akong dumungaw. Si Pingkaw na nagbalik, sinusundan na naman ng mga pilyong bata.
“Hele-hele, tulog muna, wala ditto ang iyong nanay…” ang kanta niya, habang ipinaghehele ang binihisang lata.
Teoryang FORMALISTIKO, ang kasiningan ng isang akda ay nasa porma o kaanyuhan nito. May sariling buhay at umiiral sa sariling paraan ang isang akda. Inihihiwalay ang pag-aaral ng akda sa pag-aaral ng buhay o pangyayaring kinasasangkutan ng may-akda. May mga elemento ang isang akdang pampanitikan at ang bawat isa rito ay kaugnay ng bawat elemento.
Isang kaalaman ang FEMINISMO sa panitikan na ang tuon ay sa kalagayan ng mga kababaihan sa isang akda. Kadalasan, ang mga tauhang babae ay larawan bilang aping asawa, walang dunong, mahina, masamang babae di mabuting biyenan at huli sa takbo ng panahon. Sa panig ng mga feminista, nararapat bigyan ng kaukulanhg pagpapahalaga ang mga babae sa isang akda katulad ng pagbibigay halaga sa mga kalalakihan.
Nilalayon ng teoryang Feminismo na alisin ang mga de kahong imaheng ibinibigay sa babae at sa lalake. Kung kaya mababakas sa akdang gumagamit ng teoryang Feminismo na ang mga tauhang babae ay aktibo at mga “tunay na tao.”
Sa paksa, makatotohanang inilalarawan ditto ang mga karanasan ng kababaihan.
Ang REBYUNG PAMPELIKULA ay isang uri ng pag-uulat na nagsisilbing patnubay sa manonood para sa kanilang panonoorin. Naglalahad ito ng damdamin ng nakapanood ng pelikula.
Nagiging masusi ang rebyung isasagawa para sa isang pelikula kung sasagutin ang mga sumusunod:
1. Ano ang pinaksa ng pelikula? Ano ang mensaheng ibinibigay nito? Maliwanag ba ang tema at matagumpay na napatunayan?
2. Makatwiran ba ang balangkas? Wasto ba ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari?
3. Ang mga tauhan ba’y kumikilos at may pag-uugaling tulad ng karaniwang nilikha? Ito ba’y pawing mabubuti o nagpapakita rin nga kani-kanilang kahinaan?
4. Maayos ba ang dyalogo? Ipinakita ba sa pamamagitan ng pagsasalita ang kanilang katauhan?
5. Buhay ba ang tagpo, panahon, at lugar? Maliwanag ba ang paglalarawan?
6. Bagay ba ang estilo sa balangkas at paksa? Ito ba’y payak at maliwanag, magaan, ngunit kawili-wili?
No comments:
Post a Comment